Nagwala at nagtangkang tumakas sa mga awtoridad ang 48 dayuhan na kabilang sa 2,700 Pilipino at banyagang biktima ng human smuggling na nailigtas kamakalawa ng PNP Anti-Cybercrime group (ACG) sa Las Piñas .
Sa ulat ni PNP ACG Director Police Brig. Gen. Sydney Sultan Hernia kay PNP Chief Police Gen. Benjamin Acorda Jr., nangyari ang insidente kaninang 3:15 ng madaling araw sa compound ng Xinchuang Network Technology Inc., 501 Alabang-Zapote, Almanza Uno, Las Piñas.
Base sa report, habang pino-proseso ang mga Pilipinong biktima sa naturang lugar para i-release, biglang sumugod patungo sa gate ang 48 dayuhang biktima sa pagtatangkang tumakas, na lumikha ng kaguluhan.
Agad rumesponde ang mga tauhan ng Regional Mobile Force Battalion ng NCRPO, upang mapahupa ang sitwasyon.
Bunsod ng insidente, walo sa mga dayuhan ang nangailangan ng medikal na atensyon, at lima ang nagtamo ng minor injuries sa tangkang pag-akyat sa “barbed wire” na bakod, at 35 ang napigilan ng mga pulis at hindi nasaktan. | ulat ni Leo Sarne