Isinusulong ni Senador Robin Padilla na maimbestigahan sa senado ang nangyaring engkwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Datu Paglas, Maguindanao nitong June 18.
Sa inihaing Senate Resolution 664 ni Padilla, iginiit nitong dapat maging malinaw kung may naging paglabag sa peace process sa naging operasyon ng mga awtoridad.
Dapat aniyang maging malinaw kung saklaw ng mga teritoryong kasama sa peace agreement na dapat munang magkaroon ng koordinasyon bago isagawa ang sinasabing raid.
Sinabi ng senador na personal na siyang nangalap ng impormasyon tungkol sa naturang insidente pero magkaiba ang sinasagot ng magkabilang panig.
Naninindigan aniya ang pamilya ng mga nasawi rubout ang nangyari at walang criminal record ang kanilang mga kaanak.
Sa kabilang bansa ay naninindigan ang mga awtoridad na lehitimo ang kanilang operasyon.
Isa rin aniya sa layunin ng Senate hearing na isinusulong niya na mapagharap ang dalawang panig para maging malinaw ang pangyayari. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion