Aminado si ACT-CIS Party-list Representative Erwin Tulfo na marami pa siyang dapat matutunan sa pagsabak sa bagong papel bilang mambabatas.
Ngayong ibinasura na ng COMELEC en banc ang disqualification case laban sa kaniya ay ganap na niyang magagampanan ang trabaho bilang isang kongresista.
Aniya, kahit kasalukuyang nasa biyahe ay nagbabasa siya ng mga rules at regulation ng Kongreso, halimbawa ang paraan ng pagtugon kapag may interpellation.
“May dala ako na mga libro na binigay sakin, yung about rules and regulations of 18th and 19th Congress, yun ang nire-review ko simula noong pagka bumibyahe ako sa tren, sa eroplano. Binabasa ko mga do’s and don’t’s sa Congress, mga proper address and responses sa mga interpellation, etc. So, pinag-aaralan ko na,” pagbabahagi ni Tulfo.
Mahalaga din aniya na matuto mula sa mga beterano nang mambabatas.
Diin nito na kailangan sabayan ang pagkatuto ng pagtatrabaho.
Sa ngayon ay nasa higit 100 panukalang batas ang nakalinyang ihain ni Tulfo.
Kabilang na dito ang pagkuha ng mga pribadong kompanya at government agencies ng mga senior citizen at PWD bilang empleyado at ang tamang pagpapatupad sa Solo Parent Act.
“But there still a lot of things to learn. Siguro I’ll connect myself to mga senior na mga lawmakers. Kailangan nating matuto kasi yan ay mga beterano. Di naman tayo pwedeng mayabang, hindi naman pwedeng yawyaw tayo nang yawyaw, satsat nang satsat. We have to listen and learn, and at the same time we have to work,” saad pa ng mambabatas. | ulat ni Kathleen Jean Forbes