Positibong tinanggap ng PNP ang Cease and Desist order ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) laban sa Xinchuang Network Inc, ang POGO (Philippine Offshore Gaming Operator) sa Las Piñas na ni-raid ng mga pulis noong nakaraang Linggo.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Brig. Gen. Red Maranan, ang pagpapatigil ng PAGCOR sa operasyon ng naturang POGO ay patunay na lehitimo ang operasyon ng PNP laban sa mga umano’y iligal na gawaing kinasasangkutan ng POGO.
Dagdag ni Maranan, mas mapapadali at mas maayos nilang maipatutupad ang search warrant sa pagpapatigil ng PAGCOR sa operasyon ng naturang POGO.
Paliwanag ni Maranan, dapat wala nang aktibidad ang POGO hub dahil pinatigil na na noon pang Hunyo 27 ang kanilang operasyon.
Samantala, sinabi ni Maranan na hanggang kahapon, 71 vaults na ang nabuksan nila mula sa 139 vaults na narekober sa POGO hub.
Patuloy naman ang kanilang profiling sa mga empleyado ng POGO na nasagip kung saan 7 dayuhan na ang nadiskubre na mga wanted sa kani-kanilang bansa. | ulat ni Leo Sarne