Nagpapatuloy ang tiwala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Presidential Adviser for Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon, sa kabila ng ilang usaping kinahaharap nito.
Kabilang na ang naging desisyon ng Korte Suprema, kaugnay sa disbarment ng kalihim matapos ang ginawang komento laban sa isang mamamahayag.
Sa oath-taking ceremony ng kalihim sa harap ni Pangulong Marcos Jr., sinabi ng pangulo na tuloy-tuloy pa rin ang pagpapatupad ng gobyerno ng mga hakbang upang tuldukan ang kahirapan sa bansa.
Bahagi aniya sa mga hakbang na ito, ang pagtatalaga kay Secretary Gadon.
Ito ayon sa Pangulo ay dahil malaki ang maitutulong ng karanasan at kakayahan ng kalihim sa pagtukoy sa mga pangangailangan ng mga mahihirap na Pilipino.
“Tiwala tayo na ang kanyang karanasan at kakayahan ay makatutulong sa pagtukoy sa mga pangangailangan ng ating mga kababayan.” — Pangulong Marcos Jr. | ulat ni Racquel Bayan