Nilinaw ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. na pag-uusapan muna nila ni DILG Sec. Benhur Abalos Jr at QC Mayor Joy Belmonte ang courtesy resignation ni Quezon City Police District (QCPD) Director Nicolas Torre III bago tanggapin.
Ang paglilinaw ay ginawa ni Gen. Acorda matapos sabihin ni BGen. Torre na nagkausap na sila ng PNP Chief at tinanggap na ang kanyang pagbibitiw sa pwesto kaugnay ng umano’y “special treatment” na binigay ng QCPD sa dating pulis na suspek sa panunutok ng baril sa isang siklista sa QC kamakailan.
Sa ambush interview sa San Juan, ipinaliwanag ni Gen. Acorda na may merito ang katwiran ni Torre na magbitiw sa pwesto para hindi na madamay sa isyu ang buong PNP.
Ayon sa PNP Chief, pagpapakita ng “delicadeza” ang ginawa ni Torre at makukunsidera itong magandang “gesture.”
Nabatid na nagpasa ng courtesy resignation si Torre matapos mapuna ng publiko ang tila pag-aabugado nito sa suspek na si Wilfredo Gonzales na pinayagang mag-press conference sa QCPD matapos sumuko noong Linggo. | ulat ni Leo Sarne
📷: PNP-PC