Pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang publiko hinggil sa mga kumakalat na maling impormasyon sa social media at ginagamit pa ang pangalan ng ilang opisyal nito.
Kasunod ito ng pag-ikot sa social media ng artikulo mula sa isang website na nagtataguri kay Health USec. Ma. Rosario Vergeire bilang German Cardiologist, at tila nag-endorso pa ng umano’y lunas para sa cardiovascular diseases o sakit sa puso.
Ayon sa DOH, malisyoso ang paggamit ng larawan ni Vergeire sa nasabing post at hindi rin totoo ang mga nilalaman ng nasabing artikulo.
Giit pa ng kagawaran, hindi sumasalamin sa posisyon ng DOH ang nilalaman ng artikulo at hindi rin awtorisado ni Vergeire ang paggamit sa kaniyang larawan.
Paalala ng DOH, ang mga non-communicable disease at comorbidities tulad ng sakit sa puso ay maiiwasan sa pamamagitan ng healthy lifestyle, tamang diet at pag-exercise.
Patuloy namang hinihikayat ng DOH ang publiko, na sumangguni lamang sa mga lehitimong source tulad ng kanilang website at verified social media pages para sa tamang impormasyon. | ulat ni Jaymark Dagala