Inanunsyo ni Vice President at Education Secretary Sara Durerte ang kaniyang mga regalo sa mga guro ngayong National Teacher’s Month.
Ito’y kasunod ng kaniyang talumpati sa harap ng mahigit 1,200 guro na nagtipon sa Bohol Wisdom Gymnasium sa Tagbilaran City.
Dito, sinabi ng Pangalawang Pangulo na mababawasan na lamang sa 11 mula sa dating 56 ang administrative load ng mga guro.
Napapansin kasi niya na maliban sa pagtuturo ay napakarami pang ibang ginagawa ng mga guro kaya’t kinakapos na ito ng sapat na oras para sa pamilya at sarili.
Sinabi rin ni VP Sara na maglalabas siya ng isang memorandum kung saan ay papayagan niya ang mga guro na makapagbakasyon ng buong isang buwan o 30 araw.
Maliban dito, sinabi rin ng Pangalawang Pangulo at Kalihim ng Edukasyon na maglulunsad sila ng isang website kung saan maaaring dumulog ang mga guro para humingi ng tulong-ligal.
Una nang binigyang-diin ni VP Sara na ang mga guro ay ang tagapagtaguyod ng pangarap at ilaw na gabay ng mga mag-aaral. | ulat ni Jaymark Dagala
📸: DepED