Unang araw pa lamang ng kampanya para sa Barangay at Sangguniang Kabataan o SK Elections, may ilang kandidato na ang tila nagpasaway sa Mandaluyong City.
Batay sa mga natanggap na larawan ng Radyo Pilipinas mula sa ilang residente ng Lungsod, makikitang naglipana na ang mga campaign poster ng mga kandidato sa mga ipinagbabawal na lugar
Ilan sa mga ito ay nakakabit sa mga poste ng kuryente, street lights habang may iba pang poster na tila ginawang banderitas pa ang mga ito at nakakabit sa mismong kawad ng kuryente.
Kung titingnang maigi, nakasusunod naman sa itinakdang panuntunan ng COMELEC ang sukat ng mga campaign poster na 2×3 feet subalit hindi maganda sa paningin kung ito’y nakakabit sa mga hindi tamang lugar.
Batay sa panuntunan ng COMELEC, kasama sa mga common poster area ang mga plaza, palengke at iba pang lugar na tinukoy ng poll body at maaari rin sa mga pribadong lote o bahay basta’t may permiso ito mula sa may-ari. | ulat ni Jaymark Dagala