Inihayag ng Philippine Red Cross (PRC) na dapat manindigan ang Pilipinas sa China upang protektahan ang territorial integrity ng bansa.
Ito ay matapos ang pagharang at pagbangga ng mga barko ng China sa mga barko ng Pilipinas habang nasa gitna ng resupply mission para sa mga sundalo ng BRP Sierra Madre sa West Philippine Sea (WPS).
Sa isang mensahe, nanawagan si PRC chairman at CEO Richard Gordon sa pamahalaan na palakasin ang pwersa ng military at navy ng bansa.
Aniya, ang Indonesia nga ay tumindig sa China matapos nitong sunugin ang mga bangka ng China na pumapasok sa teritoryo nito. Gayundin aniya ang ginawa ng Argentina.
Giit ni Gordon, hindi lang bully ang China pero isang ring agressor na nais magkaroon ng kapangyarihan sa Asia Pacific.
Binigyang diin din ni Gordon ang naging desisyon ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) noong 2016 kung saan ang Mishief Reef at Second Thomas Shoals ay bahagi ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Sa huli sinabi nito na ang paggiit sa sovereign rights ng bansa ay hindi lang nagyayari ng isang gabi, pero kailangan itong patuloy na gawin.| ulat ni Diane Lear