Tatagal pa hanggang sa November 5 ang full alert status ng Philippine Coast Guard (PCG), upang masiguro ang kaligtasan ng mga biyaherong babalik sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa, matapos ang idinaos na barangay at sangguniang kabataan elections (BSKE) at Undas.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni PCG Rear Admiral Arman Balilo na makatitiyak ang publiko na mananatili sa mataas na antas ang kahandaan ng kanilang hanay para sa mga biyahero.
Nitong mga nakalipas na araw aniya, pumalo sa 154,000 ang outbound passengers na naitala ng PCG, habang 132,000 naman ang inbound.
“Generally, po ay naging napakaayos naman po at naging kunbinyente para sa mga kababayan natin iyong nakaraang travel ng Undas at maging ito pong barangay election. Wala naman pong masyadong problema maliban po doon sa mga mahabang pila na nagkaroon noong kasagsagan po noong pag-uwi ng mga kababayan natin.” —Balilo.
Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA), posibleng pumalo pa hanggang 1.4 million ang inaasahang biyahero na maitatala sa mga pantalan hanggang Linggo (November 5). | ulat ni Racquel Bayan