Binigyang pagkilala ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. ang PNP Peacekeeping Contingent na pinadala sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para tumulong sa seguridad noong nakaraang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Sa flag-raising ceremony sa Camp Bagong Diwa Taguig, kahapon, pinuri ng PNP Chief ang matagumpay na misyon ng 298 tauhan ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB) ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na bahagi ng ‘peacekeeping contingent’.
Kasama dito ang 13 Police Commissioned Officers (PCOs) na namuno sa 5 team na dineploy sa iba’t ibang munisipalidad sa Maguindanao, partikular sa Datu Piang, Pagalunan, Pandag, Rajah Buayan, at Sultan sa Barongis.
Pinasalamatan ng PNP Chief ang mga pulis, na walang takot na nagsilbi sa labas ng kanilang “comfort zone” na nakatulong sa pagtiyak ng tagumpay ng halalan sa BARMM.
Hinimok naman ng PNP Chief ang lahat ng tauhan ng NCRPO sa ilalim ng pamumuno ni PBGen. Jose Melencio C. Nartatez, Jr. na patuloy na pagsilbihan ang komunidad, ipagtanggol ang mamamayan, at itaguyod ang batas ng may integridad at propesyonalismo. | ulat ni Leo Sarne
📷: PNP-PIO