Isinusulong ni Senador Mark Villar na magkaroon ng dagdag na proteksyon para sa mga Pilipinong mamamahayag kasunod na panibagong kaso ng pamamaslang sa broadcaster na si Juan Jumalon sa Misamis Occidental.
Inihain ng senador ang Senate Bill 2355 o ang panukalang Journalist Protection Act bilang pagkilala sa panganib na hinaharap ng mga mamamahayag sa kanilang propesyon at sa mahalagang papel nila sa ating komunidad.
Giit ni Villar, hindi dapat nararanasan ng ating mga kababayan ang pagkawala ng kanilang mga mahal sa buhay habang ginagampanan ang kanilang trabaho.
Umaasa ang senador na sa pamamagitan ng panukalang batas na ito ay mabibigyan ng dagdag na insurance coverage gaya ng disability at death benefits, at reimbursement ng medical costs ang mga mamamahayag at empleyado ng media entities.
Sa ngayon ay nasa committee level na ang naturang panukala.| ulat ni Nimfa Asuncion