Seguridad sa mga terminal at mga parke, tinutukan din ng QCPD ngayong Undas

Facebook
Twitter
LinkedIn

Bukod sa mga sementeryo, nananatili ang mahigpit na seguridad ng Quezon City Police District sa mga terminal at mga parke sa lungsod ngayong Undas.

Ngayong araw, muling nag-inspeksyon si QCPD Chief PBGen. Red Maranan sa terminal ng Victory Liner sa EDSA pati na sa Quezon Memorial Park sa Elliptical Rd.

Ayon kay QCPD Chief Maranan, kailangan pa ring bantayan ang seguridad sa mga terminal dahil sa mga humahabol pang lumuwas pa-probinsya.

Kinamusta rin dito ng hepe ang nakalatag na police assistance desk na umaalalay sa mga biyahero.

Sa paglilibot naman nito sa Quezon Memorial Circle, sinilip nito ang latag ng seguridad na ipinatutupad ng mga nag-iikot na 12 bicycle cops.

Ayon kay Gen. Maranan, binabantayan rin nila ang mga pasyalan na karaniwang pinupuntahan ng mga pamilya matapos na dumalaw sa sementeryo.

Kasama pa sa ininspeksyon ni Gen. Maranan ang Himlayang Pilipino sa Tandang Sora kung saan umabot na sa 10,000 ang crowd estimate.

Ayon kay Gen. Maranan, inaasahan pa nitong madadagdagan ang mga bibisita sa mga sementeryo sa lungsod lalo ngayong hapon kahit na panaka-naka ang mga pag-ulan.

Sa ngayon, nananatiling mapayapa ang assessment ng QCPD sa sitwasyon ng mga sementeryo sa lungsod.

Siniguro rin ni Gen. Maranan na walang lusot ang mga pasaway at masasamang loob dahil sa pinaigting na deployment ng mga pulisya sa bawat sementeryo pati na ang pagbabantay ng 700 CCTV at 300 body-worn cameras. | ulat ni Merry Ann Bastasa

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us