Handa na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na rumesponde sa mga lalawigang posibleng maapektuhan ng mga pag-ulan at pagbaha na dulot ng bagyong Kabayan.
Sa direktiba ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, nagpatawag na ng pulong si DSWD Disaster Response Management Group (DRMG) Undersecretary Diana Rose Cajipe sa mga DRMG cluster at Field Offices upang mailatag ang response measures sa banta ng bagyo.
Kasama sa binabantayan nito ngayon ang sitwasyon sa mga lalawigang daraanan ng bagyo kabilang ang Northern Mindanao, Southern Visayas, at Central Palawan.
Kaugnay nito, tiniyak ng DSWD na mahigpit na itong nakatutok sa sitwasyon sa iba’t ibang rehiyon at naka-pre-position na rin ang mga relief item na agad ipadadala sa mga maaapektuhang lugar.
Sa tala ng DSWD, nasa higit ₱2.7-billion pa ang halaga ng available relief resources nito kabilang ang stockpile at standby funds para sa mga maaapektuhan ng kalamidad. | ulat ni Merry Ann Bastasa