Patuloy na pinaghahanap ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Davao Oriental ang isang residente na umano’y nalunod sa rumaragasang tubig-baha sa Manay, Davao Oriental.
Ayon kay Franz Irag, information officer ng Office of the Civil Defense Davao, nagpapatuloy pa ang kanilang validation sa report kung saan ay nangunguha umano ng niyog ang nasabing biktima.
Kabilang ang Manay sa mga lugar sa Davao region na nakararanas ngayon ng pagbaha bunsod ng malakas na ulan hatid ng Tropical Depression Kabayan.
Sa report ng ahensya, umabot na sa mahigit 400 pamilya ang apektado ng sama ng panahon mula sa Cateel, Caraga at Manay sa Davao Oriental, at New Bataan sa Davao de Oro.
Sa ngayon, patuloy na nakararanas ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan ang Davao Oriental at Davao de Oro. Habang mahina hanggang sa katamtamang ulan naman sa Davao City at natitirang bahagi ng rehiyon.
Patuloy naman ang monitoring ng Local Disaster Risk Reduction and Management Team sa epekto ng bagyo. | via Sheila Lisondra | RP1 Davao