Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na wala silang ipatutupad na Suspension of Police Operations (SOPO) laban sa Communist Party of the Philippines – New People’s Army, at National Democratic Front o CPP-NPA at NDF.
Ito ang inihayag ni PNP Chief, Police General Benjamin Acorda Jr., bagaman nagpahayag na ang pamahalaan ng kahandaan nito na muling humarap sa pag-uusap sa mga komunista, wala namang ibang direktiba maliban dito.
Kaya naman magtutuloy-tuloy ang opensiba ng PNP katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa lahat ng lawless elements na sisira sa kapayapaan at kaayusan lalo na sa panahong ito.
Magugunitang isang sundalo ang nasawi sa nangyaring engkuwentro sa pagitan ng Militar at NPA noong December 17 sa kabila ng inilabas na joint communique.
Bukas, December 26, nakatakdang ipagdiwang ng CPP ang kanilang ika-55 anibersaryo. | ulat ni Jaymark Dagala