Binigyang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang DHSUD na isaprayoridad ang mga nakatira malapit sa ilog sa dapat na mabiyayaan ng pabahay ng pamahalaan.
Ito ay sa gitna ng ikinakasang pagpapaganda at pagbuhay sa Ilog Pasig kung saan maaaring maapektuhan ang may 10,000 informal settler families.
Sinasabing, habang ginagawa ang Pasig River Urban Development Project ay isasabay din ang pagpapatayo ng mga pabahay.
Sa 25 ektaryang lupa na resettlement area sa Baseco sa Tondo, Maynila na tatayuan ng halos 60,000 units na pabahay dadalhin ang maaapektuhan ng proyektong buhayin ang Pasig.
Kaugnay nito’y inihayag ng Punong Ehekutibo na ang Ilog Pasig ay masasabing sumasalamin din sa bansa kaya’t mahalaga na mabigyan ito ng pansin matapos na mapabayaan ng mahabang panahon. | ulat ni Alvin Baltazar