Tuloy-tuloy na ang ginagawang paghahanda sa kahabaan ng Banawe Street na pangunahing venue para sa Chinese New Year Celebration sa Quezon City.
Sa mga oras na ito, ilang kalsada na ang isinara sa mga motorista para sa mga aktibidad na inihanda ng LGU.
Sa bahagi ng Banawe corner Sta. Catalina Street, inilalatag na ang mga stall para sa food bazaar pati na ang stage para sa libreng concert na magsisimula mamayang hapon.
Bagong pintura rin ang ilang bahagi ng kalsada na may temang Chinese New Year.
Kasama sa aktibidad ng QC LGU ngayong araw ang kauna-unahang QC Chinatown Heritage Tour kung saan maglilibot sa ilang cultural sites gaya ng Chinese temples sa lungsod pati na sa ilang itinuturing na ‘culinary gems’ ng QC Chinatown District.
Samantala, bukod sa heritage tour, kabilang pa sa aktibidad sa lungsod ang QC Chinatown Food, Arts and Crafts fair, Lion at Dragon Dance, Chinatown Float Parade, Chinese Calligraphy, at Painting Demonstration, pati na ang Chinatown Heritage Bike Tour.
Inaasahan naman ng QC LGU na posibleng pumalo sa higit 100,000 ang dadagsa sa lungsod para sa New Year celebration.
Kaugnay nito, hinihikayat naman ng pamahalaang lungsod ang lahat ng makikiisa sa Chinese Delicacies and Craft Festival sa Banawe Chinatown na gawing eco-friendly ang inyong pagdiriwang sa pamamagitan ng pagdadala ng sariling refillable tumblers at takeout bags, at pag-segregate ng mga basura. | ulat ni Merry Ann Bastasa