Sinabi ni Senate Committee on Finance Chair Senador Sonny Angara na posibleng irekomenda ng kanyang komite ang pag-streamline sa proseso at kapangyarihan ng PS-DBM (Procurement Service – Department of Budget and Management), sa halip na i-abolish ito.
Paliwanag ni Angara, ang orihinal kasing konsepto sa pagbuo ng PS-DBM ay ang tulungan ang mga ahensya ng pamahalaan na bumili ng mga common-used supplies gaya ng mga computer, ballpen at mga sasakyan.
Pero sa paglipas aniya ng panahon ay kapansin-pansin na nagkaroon na ng sariling mundo ang opisina na walang mga permanenteng mga empleyado at hindi na ito nagre-report sa mother agency nito, ang DBM.
Kaya naman, sinabi ng senador na isusulong nilang mahigpitan ang PS-DBM at magkaroon ng accountability dito.
Sa naging pagdinig din tungkol sa panukalang amyenda sa Government Procurement Act, hiningi ni Angara ang opinyon ng Commission on Audit tungkol sa kasalukuyang lowest calculated bid (LCB) policy sa procurement ng gobyerno.
Tugon ni COA Chairperson Gamaliel Cordoba, suportado niya ang planong amyendahan ang LCB policy para makamit ang pinaka-economically advantageous bid para sa gobyerno. | ulat ni Nimfa Asuncion