Nagpadala ng dalawang food trucks ang Philippine Red Cross (PRC) sa Mindanao para tumulong sa mga pamilyang naapektuhan ng mga pagbaha at landslide.
Ayon kay PRC Chairman & CEO Dick Gordon, umalis kagabi sa Cebu ang dalawang food trucks at inaasahang nakarating na sa PRC Agusan Chapter.
Ang deployment ng food trucks ay upang makapagbigay ng karagdagang hot meals sa mga pamilya sa rehiyon.
Sinabi naman ni Secretary General Dr. Gwen Pang, patuloy ang PRC sa pagmo-monitor sa sitwasyon sa Mindanao.
Hanggang Biyernes ng gabi, nagpaabot pa ng tulong ang PRC Cagayan de Oro Regional Warehouse sa PRC Davao del Norte Chapter; Davao de Oro Chapter at sa Agusan del Norte para masuportahan ang mga apektadong komunidad.
Samantala, nasa ikatlong araw na rin ang dalawa ding food trucks sa Davao de Oro sa pamamahagi ng hot meals sa may 1,128 indibidwals.
Nakapamahagi na rin ng 10,000 litro ng tubig ang water tanker sa Barangay Elizalde sa 248 indibidwals sa kanilang apat na araw na operasyon kahapon.| ulat ni Rey Ferrer