Hindi nagustuhan ni Senador Christopher ‘Bong’ Go ang pagrerekomenda ni United Nations (UN) Special Rapporteur Irene Khan na i-repeal o ipawalang bisa ang Anti-Terrorism Act (RA 11479) at ang Cybercrime Prevention Act (RA 10175).
Ayon kay Go, dapat isaalang-alang ni khan ang soberanya ng Pilipinas at ang democratic institutions ng ating bansa.
Iginiit ng senador na ang mga batas ng Pilipinas ay masusing pinag-aralan para protektahan ang buhay ng bawat Pilipino at maitaguyod ang ating national security.
Sinabi ng senador na ang mga assumption ni Khan ay hindi sumasalamin sa realidad at pangangailangan ng Pilipinas.
Mayroon rin aniyang constitutional process at mga mekanismo ang ating bansa para masiguro na ang mga batas na ipapatupad ay rumerespeto sa karapatang pantao at sa rule of law.
Ipinunto rin ni Go na mayroon namang oversight functions ang kongreso para pag-aralan kung may mga batas mang kailangang amyendahan o i-repeal.
Umapela rin si Go kay Khan na itigil na ang pakikialam sa mga usapin ng Pilipinas at respetuhin ang ating mga batas at mga institusyon. | ulat ni Nimfa Asuncion