Inaprubahan ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr. ang importasyon ng 25,000 MT ng isda sa huling quarter ng 2024.
Kinumpirma ito ng Department of Agriculture dahil sa inaasahang mas mababang suplay ng isda sa pagsisimula ng closed fishing season sa nobyembre.
Ayon sa DA, kabilang sa aangkatin ang frozen galunggong, mackerel, bonito at iba pang mga isda na dapat ay makarating bago ang Jan. 15, 2025
Sinabi ni Agri Sec. Tiu Laurel na 80% ng import volume ay ilalaan sa registered importers na nasa commercial fishing sector habang ang natitira ay sa fisheries associations at mga kooperatiba.
Dagdag pa ng kalihim, maaari nang agad magsumite ng aplikasyon para sa sanitary and phytosanitary permits ang mga importer ngunit magiging valid lamang ito mula Setyembre hanggang Nobyembre.
Maaari lamang din ilabas sa merkado ang imported fish simula sa Oktubre.
“BFAR shall encourage importers to immediately trade imported fish to ensure that it doesn’t overlap with local catch by the end of the closed fishing season,” | ulat ni Merry Ann Bastasa