Kinumpirma ni Senate President at Commission on Appointments (CA) Chairperson Francis ‘Chiz’ Escudero na maituturing nang bypassed ang ad interim appointment ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac ngayong adjourned na ang sesyon ng Kongreso.
Ayon kay Escudero, dahil dito ay kinakailangang muling maitalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Cacdac sa pwesto.
Sinabi ng Senate President, hindi naaprubahan ang appointment ni Cacdac dahil sa pagtutol ni Representative Rodante Marcoleta at pag-anunsyo ng Kamara sa Commission on Appointment (CA) na ‘voting as one’ sila.
Dahil sa kakulangan ng oras ay pinagpaliban na muna ang pagdinig ng CA committee hanggang maabutan na ito ng adjournment ng sesyon kahapon.
Muling magbubukas ang sesyon ng Kongreso July 22 para simulan ang ikatlong regular na sesyon ng 19th Congress. | ulat ni Nimfa Asuncion