Nakipagpulong ang Third Party Monitoring Team (TPMT) ng Mindanao Peace Process sa Local Amnesty Board (LAB) ng Cotabato City para talakayin ang proseso ng aplikasyon para sa amnestiya noong Biyernes.
Ayon kay TPMT Chairperson Heino Marius, ang Amnesty Declaration ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay mahalagang bahagi ng Peace Agreement, kaya interesado silang malaman ang sistema ng aplikasyon para sa amnestiya ng National Amnesty Commission (NAC) sa pamamagitan ng mga LAB offices.
Ipinaliwanag naman ni LAB-Cotabato Chairperson Atty. Mariam April Mastura na welcome ang lahat ng covered ng amnesty proclamation na mag-apply.
Sa ngayon marami na aniyang natanggap na “inquiries” ang LAB Cotabato, pero dalawa pa lang ang nagsumite ng aplikasyon.
Ang unang aplikante ay aktibong miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) na may naka-pending na kasong Illegal Possession of Firearms; habang ang pangalawa ay miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na may ilang kasong kriminal sa korte. | ulat ni Leo Sarne
: NAC