Naglaan si Ako Bicol Party-List Rep. Zaldy Co, chairman ng House Committee on Appropriations, ng ₱500 milyon upang matiyak ang matatag at mas maasahang suplay ng kuryente para sa lalawigan ng Albay.
Ayon kay Cong. Zaldy, target niya na mas palakasin pa ang Albay sa pamamagitan ng pagbibigay ng matatag at epektibong suplay ng kuryente.
Aniya, sa pagpapabuti ng power infrastructure, hindi lang nito binibigyang solusyon ang isyu ng brownout sa lalawigan.
Dagdag pa ni Cong. Zaldy na ito ay makatutulong upang makaakit ng mga bagong negosyo at lumikha ng mas maraming trabaho.
Ang ₱300 milyon ng nakalaang pondo ay nadownload na sa National Electrification Administration (NEA), habang ang natitirang ₱200 milyon ay nakatakdang ilabas at gagamitin para sa pagtatapos ng rehabilitasyon ng mga linya ng kuryente, pagpapalit ng mga sirang reclosers, at pag-upgrade ng mga transformers.
Dalawang bagong power substations din ang itatayo upang mapahusay ang grid capacity ng Albay Electric Cooperative at mapabuti ang pamamahala at distribusyon ng kuryente.
Ang mga bagong substations na ito ay planong itayo sa mga pangunahing lugar sa Albay upang mabawasan ang mga overload at mapahusay ang kabuuan ng transmission grid. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes