Mas nais ni Senate President Chiz Escudero na mas padaliin at gawing abot-kaya na lang ang proseso ng annulment sa bansa kaysa sa pagsasalegal ng absolute divorce.
Ipinunto ni Escudero ang pangangailangan na timbangin at balansehin ang diskusyon sa panukalang makapagbigay ng iba pang legal na paraan para ma-dissolve ang mga sira nang kasal.
Gayunpaman, sinabi ng Senate leader na hahayaan niya ang mga kapwa niya senador na iapahayag ang kanilang sariling pananaw tungkol sa absolute divorce.
Ang posisyon aniya ng senador sa divorce ay isa itong conscience at personal vote.
Wala aniyang usapin dito ng partido, majority o minority stand.
Pero sa personal na opinyon ni Escudero, mas nais niyang gawing mas abot kaya at accessible ang annulment sa ilalim ng kasalukuyan nating batas.
Kaugnay nito, iminumungkahi ng mambabatas na ipaubaya sa public attorney’s office (PAO) ang paghawak ng annulment cases para maging libre o mas mura ito sa mga maghahain ng annulment.
Sa ngayon ay nasa committee on rules pa ang panukalang divorce sa senado samantalang aprubado na ito sa Kamara.
Sinabi ni Escudero na ngayong naka-sine die adjournment ang Kongreso ay pag-uusapan nilang mga senador kung makakasama sa mga priority bills ng Mataas na Kapulungan ang divorce bill. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion