Sang-ayon si Senate Committee on Basic Education Chairman Senador Sherwin Gatchalian sa mungkahi na gawing digital na ang class cards.
Katunayan ayon sa senador ay naghain siya ng panukala para mapabilis ang digital transformation sa DepEd (Department of Education).
Isa na aniya dito ang Digital Transformation of Basic Education Bill (Senate Bill 383) na layong pabilisin ang deployment ng free public wi-fi sa lahat ng public schools.
Layon din nitong mapaganda ang kapasidad ng mga paaralan na gamitin ang information and communications technology sa pagtuturo at pagkatuto.
Ipinanukala rin ni Gatchalian ang pagbuo ng National Public School Database (Senate Bill 478)
Makatutulong aniya ang database na ito sa pag-streamline ng enrollment at pag-consolidate ng mga impormasyon ng mga mag-aaral gaya ng grades, attendance at immunization records.
Ipinunto ng mambabatas na natutunan na noong panahon ng pandemya na mahalaga ang papel ng teknolohiya sa pagpapatuloy ng edukasyon sa gitna ng mga sakuna. | ulat ni Nimfa Asuncion