Kinikilala ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pahayag ng Presidential Anti Organized Crime Commission (PAOCC) na “authentic” ang mga Chinese military uniform na natagpuan kamakailan sa ni-raid na Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) sa Porac, Pampangga na operator umano ng “scam-farm”.
Ang pahayag ay ginawa ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, matapos sabihin ng PAOCC na totoo ang mga nasabing uniporme pero luma na, at maaring mga “collector’s item”.
Gayunman, sinabi ni Padilla na hindi magpapa-dalos-dalos ang AFP, at hindi magbibigay ng spekulasyon hangga’t hindi natatapos ang imbestigasyon.
Nauna naring sinabi ni National Security Adviser Secretary Eduardo Año na sa ngayon ay hindi pa kinukunsidera ng National Security Council na kailangang pakialaman ng AFP ang mga ilegal na operasyon ng mga POGO.
Ayon sa kalihim, ang mga ilegal na operasyon ng POGO ay hindi pa maituturing na banta sa pambansang seguridad, kundi “national concern” na dapat aksyunan ng mga “Law enforcement agencies” at “regulatory agencies” ng gubyerno. | ulat ni Leo Sarne