Ipinasususpinde ng Department of Trade and Industry (DTI) sa inilabas nitong Administrative Order ang pagbebenta online ng mga vapor products, vapor product devices, at vapor product systems.
Sa nilagdaang Department Administrative Order No. 24-03 kahapon, Hulyo 20, ni DTI Secretary Fred Pascual agarang ipinatitigil nito ang pagbebenta ng mga vape products sa mga online marketplace.
Ang nasabing hakbang na ito ay kasunod ng malawakang talakayan sa pagitan ng DTI at mga stakeholder sa industriya. Binigyang-diin ni Secretary Pascual ang pangangailangan para sa masusing tracking systems, pagpapanagot ng mga manufacturers at importers para sa mga iligal o depektibong produkto, at pagtiyak na nauunawaan at sumusunod ang mga retailers sa mga batas.
Binanggit din ni Pascual ang agarang pangangailangan ng aksyong ito para sa proteksyon ng kabataan na kanilang prayoridad. Itinuro nito ang pagkakaroon ng mga vapor products online na nagiging dahilan upang madaling ma-access ng mga menor de edad ang mga produkto tulad nito na may nakapipinsalang sangkap na nagdudulot ng malaking banta sa kanilang kalusugan at kapakanan.
Ayon sa DTI, ang suspensiyon ay sang-ayon sa Republic Act No. 11900 o ang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act, na naglalayong pigilan ang mga menor de edad sa pag-access ng mga vapor products online.
Maliban dito, ilang hakbang na rin ang naisagawa ng DTI sa pag-regulate ng vape products sa pamamagitan ng Task Force Kalasag kung saan nakapag-isyu na ito ng 78 notice of violation at nakumpiska ang mahigit 64,000 na iligal na vape products na nagkakahalaga ng halos P30 milyon.
Tiniyak naman ni Secretary Pascual ang patuloy na pagsuporta nito sa mga negosyo ngunit dapat umano sumunod pa rin ito sa mga batas at hindi dapat pagkakitaan ang mga menor de edad gamit ang pagbebenta ng mga iligal na produkto.| ulat ni EJ Lazaro