Simula ngayong lunes, July 1, nilalagyan na ng palatandaan sa pamamagitan ng thumbmark ink ang mga bumibili ng murang bigas sa Kadiwa store.
Dito sa ADC Kadiwa Store, matapos maglista ng pangalan, pumirma sa booklet at magpresenta ng valid ID ay hinihingan na rin ng thumbmark ang mga mamimili.
Isa ito sa mga bagong requirement para maiwasan na ang mga nagpapabalik balik sa pila ng P29 kada kilong bigas at mas marami ang makabenepisyo sa programa.
Bahagi rin ito ng trial run bago ang opisyal na rollout ng Bigas 29 ngayong buwan.
Hati naman ang reaksyon dito ng mga mamimili. Mayroong mga pabor dahil wala na aniyang mananamantala sa bentahan ng murang bigas habang mayroon namang nagrereklamo dahil sa dumarami anilang requirements.
As of 11am, tuloy ang pila ng mga senior, PWDs, 4Ps at solo parents sa bentahan ng murang bigas sa Kadiwa kung saan limitado pa rin sa tatlong kilo ang maaaring bilhin. | ulat ni Merry Ann Bastasa