Aminado ang Pamahalaang Lungsod ng San Juan na nagsilbing “wake-up call” para sa kanila ang nangyaring kontrobersiya sa pagdiriwang ng Wattah-Wattah Festival kasabay ng kapistahan ng kanilang patron na si San Juan Bautista.
Ito ang inihayag ni San Juan City Mayor Francis Zamora matapos mag-viral sa social media ang tinaguriang “Boy Dila” na si Lexter Cortez na umani ng kaliwa’t kanang batikos dahil sa ginawa niyang pambabasa sa isang motor rider sa kasagsagan ng pista.
Ayon kay Mayor Zamora, ikinalungkot niyang naging mukha ng kapistahan si Cortez na nagdulot ng negatibong epekto sa kanilang lungsod.
Subalit sinabi ng Alkalde na nakakita sila ng pagkakataon upang magpatupad ng mga bagong hakbang sa pagdiriwang ng kanilang pista sa mga susunod na panahon.
Kabilang na rito ang pagtatalaga ng isang “Basaan Zone” mula sa bahagi ng N.Domingo, Pinaglabanan at P. Guevarra kung saan, ipagbabawal na ang pagsasagawa ng basaan sa labas ng mga nabanggit na kalsada.
Gayundin, sinabi ni Zamora na kanilang hihilingin kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr na ideklara na lamang na Holiday ang Hunyo 24 ng bawat taon sa kanilang lungsod.
Sa pamamagitan nito, naniniwala si Zamora na mababawasan na ang mga taga-labas ng San Juan na maapektuhan sa tuwing sumasapit ang kanilang pista. | ulat ni Jaymark Dagala