Umaasa si Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na magtatagumpay ang stratehiyang ipapatupad ng pambansang pulisya sa pagsugpo ng problema sa ilegal na droga.
Kasabay nito ay nilinaw ni Dela Rosa na dating naging hepe ng Philippine National Police (PNP), na noong panahon ng kaniyang pamumuno sa PNP ay hindi sila nag-discriminate sa kung sino ang aarestuhin sa war on drugs.
Lahat aniya, mula sa drug lords, drug pushers, drug traffickers, drug users ay tinarget sa kanilang anti-drug operations.
Sang-ayon din si Senate Minority Leader Koko Pimentel sa game plan ng PNP na pagtuunan ng pansin ang pagbuwag sa drug supply chain dahil dito aniya mahuhuli ang mga tunay na drug lords.
Umaasa naman si Senadora Risa Hontiveros na magiging mas matibay at mas makatao ang ipapatupad na bagong istratehiya ng PNP.
Ipinunto ni Hontiveros na matagal na niyang isinusulong ang pangangailangan ng istratehiyang direktang tatargetin ang mga organized drug syndicates at ang mga krimen na kaakibat ng malakihan nilang mga operasyon
Patuloy rin aniya nilang babantayan ang pagpapatupad ng PNP sa istratehiya nilang ito. | ulat ni Nimfa Asuncion