Inilatag ng World Health Organization (WHO) ang isasagawa nitong estratehiya sa pamamahagi ng mga bakuna para mapigilan ang pagkalat ng sakit na mpox.
Ayon sa World Health Organization (WHO), kanilang inuuna sa ngayon ang Africa, partikular na ang Democratic Republic of Congo, sa kanilang pandaigdigang estratehiya upang pigilan ang pagkalat ng nakahahawang sakit.
Ayon sa mga eksperto ng WHO, kanilang isasagawa ang isang phased vaccination approach na unang tutuon sa pagpigil ng pagkalat ng virus sa Africa kung saan ito pinakatalamak.
Kapag mas marami nang bakuna ang magagamit, ang estratehiya ay palalawakin para protektahan ang mga indibidwal na may mataas na panganib sa mga apektadong komunidad.
Ang huling yugto ay nakatuon sa pagpapalakas ng immunity ng populasyon sa mga grupong inirerekomenda ng WHO habang dumarami ang suplay ng bakuna.
Samantala sa isang panayam sa radyo, humiling si Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa sa WHO ng 2,000 vaccine doses na makakatulong sa Pilipinas na labanan ang banta ng mpox pero ayon sa Kalihim hindi ito nakikipag-agawan sa bakuna dahil may mga bansang higit na ngangailangan nito.
Nauna na ring tiniyak ni Health Secretary Herbosa na patuloy na binabantayan ng DOH ang sitwasyon at ang pagbibigay-diin niya sa kahalagahan ng basic hygiene practices upang maiwasan ang pagkalat ng mpox. | ulat ni EJ Lazaro