Naniniwala ang Philippine National Police (PNP) na malapit na nilang mahuli si Pastor Apollo Quiboloy na umano’y nagtatago sa loob ng compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Davao City.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Public Information Office Chief Police Colonel Jean Fajardo, na sa pamamagitan ng ground-penetrating radar, na-detect nila ang “signs of life” mga 30 metro sa ilalim ng lupa sa isang partikular na bahagi ng KOJC compound.
Paliwanag ni Fajardo, ang teknolohiyang ito ay ginagamit sa ibayong dagat sa paghahanap ng mga survivor sa mga gumuhong gusali o landslide.
Ayon kay Fajardo, naka-concentrate ngayong ang PNP sa partikular na lugar na ito kung saan kakaiba din ang ipinapakitang “resistance” ng mga tagasunod ni Quiboloy na papasukin ang mga pulis sa lugar.
Nagpahayag naman ng kumpiyansa si Fajardo, na malapit nang matunton ng PNP ang “secret entrance” patungo sa underground bunker na pinaniniwalaang pinagtataguan ni Quiboloy. | ulat ni Leo Sarne