Ipinagpatuloy ng House Quad Committee ang kanilang imbestigasyon kaugnay sa operasyon ng iligal na POGO sa bansa.
Sa ika anim na pag-dinig ng komite, muling binigyang diin ni Quad Comm lead Chair Robert Ace Barbers na ginamit ng mga sindikato ang POGO para linisin ang kanilang pera.
At ang nakakalungkot aniya dito ay nakipagsabwatan pa ang mga kawani ng gobyerno na dapat ay nangunguna sa paglaban sa mga iligal na aktibidad.
Kasabay nito, tinukoy ni Barbers ang anim na panukalang batas na inirerekomenda ng komite para maiwasang maulit na ang salot na dala ng POGO.
Una dito ang pagkakaroon ng sariling Racketeer Influenced and Corrupt Organizations (RICO) Act gaya ng sa US na magpapataw ng parusa sa mga aktibidad na kinasasangkutan ng criminal organizations.
Gayundin ang pag-repaso at pag-ameynda sa Special Investors Resident Visa Program; amyenda sa kapangyarihan ng Philippine Retirement Authority na magapruba ng retirement visa sa mga dayuhan; amyenda sa Anti-Dummy Law o Commonwealth Act No. 108 pati ang Republic Act No. 11983 ang New Passport Act at pag-rebisa sa Presidential Decree No. 651 o late registration ng birth certificate para maiwasan ang pamemeke nito.
Maliban kay Cassandra Ong ay dumalo rin sa pag-dinig ngayon ng Quad Comm si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo. | ulat ni Kathleen Forbes