Kung si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff, General Romeo Brawner Jr. ang tatanungin, nais niyang manatili habangbuhay ang Typhoon Medium-Range Capability (MRC) missile system ng Amerika sa Pilipinas.
Sa katunayan, sinabi ni Brawner na nakipag-ugnayan na siya sa kanilang US counterparts hinggil dito subalit wala pa silang tugon.
Gayunman, sinabi ng AFP chief na nakadepende pa ito sa magiging pasya ng Mutual Defense and Security Engagement Board kung aalisin ang mga armas na una nang ginamit sa Joint Exercises.
Samantala, may buwelta naman si Defense Secretary Gilbert Teodoro sa mga nagrereklamo sa pananatili ng mga naturang missile system ng Amerika sa Pilipinas.
Ayon sa kalihim, ang mga umaalma aniya ay ang siyang sumasakop sa hindi nila teritoryo kaya’t ito ang dapat lumayas at itigil ang kanilang iligal na operasyon.
Patutsada pa ni Teodoro, bago magsalita ang mga sumisita sa pagpapalakas ng Pilipinas ay dapat aniya nitong tingnan ang kanilang sarili at tiyaking handa nilang bitiwan ang kanilang mga mapaminsalang kagamitan. | ulat ni Jaymark Dagala