Muling pinaalalahanan ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga benepisyaryo nito ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na dapat tumalima sa mga kondisyon para patuloy na matanggap ang kanilang cash grants.
Ayon kay 4Ps Social Marketing Division Chief (DC) Marie Grace Ponce, ang anumang paglabag sa mga kondisyon ay maaaring basehan para hindi mabigyan ng cash grant ang benepisyaryo.
Ayon kay SMD Chief Ponce, para sa health conditions, ang buntis na 4Ps ay kailangang magkaroon ng buwanang pre at postnatal checkups.
Kailangan ding regular ang checkup at bakuna para sa 4Ps beneficiaries na may anak na limang taong gulang pababa.
Nilinaw din ng 4Ps official na ang checkup procedure para sa mga buntis at anak nito ay kailangang nakabatay sa existing protocol ng Department of Health (DOH).
Para naman sa edukasyon, ang mga batang nasa edad tatlo hanggang 18 taong gulang ay kailangang naka-enroll sa paaralan at may 85% class attendance rate sa loob ng school year.
Ayon kay SMD Chief Ponce, isa sa unique conditions ng 4Ps ay ang attendance ng parent beneficiaries. Ito ay ang tuloy-tuloy na pagdalo ng mga magulang sa Family Development Sessions (FDS).
Sa ilalim ng 4Ps, bawat household beneficiary ay nakatatanggap ng ₱750 kada buwan para sa health; at para naman sa edukasyon makatatanggap ang bata ng ₱300 para sa elementary, ₱500 sa junior high school, at ₱700 naman para sa senior high school. | ulat ni Merry Ann Bastasa