Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief General Rommel Francisco Marbil ang lahat ng field commanders na tukuyin ang mga posibleng areas of concern sa 2025 National and Local Elections.
Sinabi ni PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, na ang kautusan ay ibinigay ng PNP Chief sa huling Command Conference kahapon, bilang paghahanda sa nalalapit na filing of Certificates of Candidacy (COC) mula October 1 hanggang 8.
Kaugnay nito, sinabi ni Fajardo na pinatutukoy din ni Gen. Marbil sa mga City at Provincial Director kung sino-sino ang mga maghahain ng COC at kung sino ang may mga Private Armed Group (PAG).
Paliwanag ni Fajardo, inaasahan ng PNP na magiging mainit ang tunggalian sa halalan dahil posibleng magkakamag-anak ang maglalabanan. | ulat ni Leo Sarne