Naniniwala si Senate Majority Leader Francis Tolentino na ang Senado ang tama at may legal na hurisdiksyon ngayon sa kustodiya ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, ipinunto ni Tolentino na tila mali ang korteng may hawak ng kaso ni Guo.
Paliwanag ng majority leader, base sa Republic Act 10660 ay hindi dapat inihahain ng Ombudsman ang kaso laban sa isang halal na opisyal ng bayan sa judicial region kung saan ito namumuno.
Ito ay para maiwasan na magkaroon ng impluwensya ang akusadong halal ng bayan sa itatakbo ng kanyang kaso sa korte.
Sa kaso ni Guo, inihain ng Office of the Ombudsman ang kaso sa Capas, Tarlac RTC na pasok sa judicial region 3 o sa rehiyon na pinamumunuan noon ni Guo. Kaya naman mali aniya itong aplikasyon ng batas (RA 10660).
Para kay Tolentino, sa Valenzuela RTC tamang ihain ang kaso ni Guo.
Dahil sa sitwasyong ito ngayon, naniniwala si Tolentino na sa Senado pinakatamang idetine muna si Guo.
Ang Senado aniya ang unang naglabas ng warrant of arrest laban kay Guo at ito ang kinilalang warrant ng Indonesia. | ulat ni Nimfa Asuncion