Tuloy-tuloy ang Department of Migrant Workers (DMW) sa pagpapatupad ng mga programa na susuporta sa mga overseas Filipino worker (OFW).
Sa ginanap na “Kapihan sa Bagong Pilipinas” sa tanggapan ng DMW sa Mandaluyong City, ibinahagi nina DMW Secretary Hans Leo Cacdac at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnell Ignacio ang iba’t ibang tulong na handog ng kanilang mga tanggapan para sa mga OFW.
Mula sa pag-aplay ng trabaho hanggang sa kanilang pagbabalik sa Pilipinas, siniguro ng dalawang ahensya na mayroon silang sapat na suporta.
Kabilang sa mga pangunahing tulong na ito ay ang paghabol sa mga illegal recruiter, pagbibigay ng legal assistance sa mga OFW na nakakaranas ng pang-aabuso mula sa kanilang mga amo, at pagbibigay ng pansamantalang tirahan para sa mga OFW na napilitang tumakas.
Pagdating naman sa Pilipinas, may nakalaang P75,000 mula sa Aksyon Fund ng DMW at karagdagang P75,000 mula sa OWWA para sa mga OFW na nangangailangan.
Mayroon ding mga programa para sa pagsasanay sa pagnenegosyo at paghahanap ng trabaho upang matulungan ang mga OFW na magsimula ng bagong buhay sa Pilipinas.
Ayon kay DMW Sec. Cacdac, lahat ng ito ay bilang tugon sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bigyan ng sapat na pangangalaga ang mga OFW. | ulat ni Diane Lear