Umaapela si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga climate stakeholder na doblehin at bilisan pa ang mga hakbang na tutugon sa climate change at magsusulonng ng disaster risk reduction framework implementation para sa isang mas matatag na hinaharap.
Sa opening ceremony ng 2024 Asia-Pacific Ministerial Conference Disaster Risk Reduction, pinatitiyak rin ng pangulo na dapat alinsunod ang mga programang ito sa 2030 Sustainable Development Goals, United Nations Framework Convention on Climate Change, at Paris Agreement.
“We must harmonize our approaches and pursue meaningful actions under these mandates to secure a sustainable and climate-resilient future,” -Pangulong Marcos.
Ayon sa pangulo, ang pagharap sa kalamidad at mga sakuna ay isa lamang sa mga banta na kapwa kinahaharap ng mga bansa sa Asia-Pacific region, kasabay ng pagbalanse sa ekonomiya ng mga ito.
Dahil dito, dapat aniyang magsumikap pa ang mga bansa na abutin ang isang hinaharap kung saan hindi na gaanong kailangan pa ang recovery, dahil matatag, ligtas, inclusive, at disaster resilient na ang rehiyon.
“We must strive to create a future where the need for recovery becomes less frequent, as we lay the foundations for a safer, more adaptive, inclusive, and disaster-resilient region,” -Pangulong Marcos.
Isang paraan upang makamit ang mga mithiing ito ayon kay Pangulong Marcos ay ang pag-aangat ng mga pamumuhunan o pagpo-pondo sa disaster resilience, at pag adopt ng mga inobasyon sa istratehiya ng bawat bansa.
Kabilang rin ang pinag-igting na kolaborasyon at koordinasyon ng mga bansa, kung saan aktibo ang papel na ginagampanan ng bawat sector ng lipunan, mula sa hanay ng mga kabataan, hanggang sa pinaka-vulnerable o pina-apektado ng epekto ng climate change. | ulat ni Racquel Bayan