Inaprubahan ng House Quad Committee ang mosyon na hilingin ang pansamantalang paglipat sa Kamara ng kustodiya ni Mark Taguba, dating customs broker.
Humarap sa Quad Comm si Taguba para ilahad kung paano siya nasangkot at nakulong kaugnay sa P6.4 billion shabu shipment mula sa China noong 2017.
Si Quad Comm co-chair Joseph Stephen Paduano ang nagmosyon na sa detention facility na muna ng Kamara manatili si Taguba dahil sa banta sa buhay hanggang sa humupa o mawala na ang banta o hanggang sa matapos na ang mga pagdinig ng Komite.
Naging emosyonal si Taguba nang matanong kung may pinagsisihan ba siya sa mga nangyari.
Pinanindigan niya na hindi siya drug lord.
Tanging kasalanan lamang niya ang “tara system.”
Masama rin ang loob ni Taguba na silang mga maliliit na tao ang nakasuhan at nakulong habang ang mga opisyal ng Bureau of Customs, gaya ng noo’y commissioner na si Nicanor Faeldon ay naabswelto at malaya. | ulat ni Kathleen Forbes