Kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff, General Romeo Brawner Jr. na pansamantalang inalis sa puwesto si Col. Raymund Lachica bilang Commander ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG).
Ito’y ayon kay Brawner, kasunod ng natanggap nilang subpoena mula sa Philippine National Police (PNP) kaugnay ng gumugulong na imbestigasyon hinggil sa nangyaring girian sa pagitan ng mga tauhan ni VP Sara Duterte at mga pulis nitong weekend.
Ayon sa AFP chief, naglagay na sila ng papalit sa mga aalising tauhan ng VPSPG upang patuloy na magampanan nito ang tungkulin na bigyang seguridad ang Pangalawang Pangulo salig sa kanilang mandato.
Samantala, sinabi naman ni PNP Public Information Office Chief, Police Brig. Gen. Jean Fajardo na manggagaling sa kanila ang ipapalit sa mga tauhan ng VPSPG na pansamantalang aalisin sa puwesto para isailalim sa imbestigasyon.
Magugunitang binawi ni PNP Chief, Police General Rommel Francisco Marbil ang nasa 75 na pulis sa nakatalaga sa VPSPG noong Hulyo at inilipat sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Bagaman may naiwan pang 31 pulis sa naturang yunit, binawi rin ito ng PNP chief dahil sa pagiging ‘underutilized’ nito. | ulat ni Jaymark Dagala