Humigit-kumulang na 10.7 kilo ng shabu ang nadiskubre sa isang abandonadong bagahe sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City, kaninang tanghali.
Sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nadiskubre ang illegal drugs nang magsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng NAIA-Inter Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA- IADITG) sa Custom Exclusion Room, International Arrival Area sa NAIA Terminal 3.
Ang illegal drugs na nakapaloob sa inabandonang bagahe ay nagkakahalaga ng P72,800,800 at nagmula sa Johannesburg, South Africa.
Ayon kay PDEA Regional Office NCR Director Emerson Rosales,
iimbestigahan ng PDEA ang sender at recipients ng bagahe, at tiniyak na masasampahan ang mga ito ng kaukulang kaso.
Kasabay nito ang paalaala sa publiko ni Rosales, na ang pagdadala ng illegal drugs sa bansa ay iligal at may katapat na kaparusahan na pagkabilanggo at multa na mula P500,000 hanggang P10 million. | ulat ni Rey Ferrer