Nagpaalala si Senate Committee on Basic Education Chairperson at Senador Sherwin Gatchalian na may pananagutan din sa batas ang mga magulang ng mga batang nambu-bully.
Ginawa ng senador ang pahayag matapos mag-viral ang ilang video ng mga batang binu-bully sa mga eskwelahan.
Ayon kay Gatchalian, alinsunod sa Civil Code ay may pananagutan ang mga magulang kung saan maaari silang idemanda at pagbayarin ng damages mula sa tinamo ng batang binully.
Maging ang mga paaralan ay may pananagutan din lalo na kung mapatunayang wala silang ginawang aksyon sa mga naiuulat na kaso ng bullying sa kanilang paaralan.
Ngayong hapon, magsasagawa ng pagdinig ang Senate Committee on Education kaugnay ng mga napapaulat na kaso ng bullying.
Kabilang sa mga sisilipin ang mga polisiya ng paaralan para matugunan ang problema ng bullying at kung ano pa ang dapat gawin ng pamahalaan, lehislatura at mga magulang sa isyung ito. | ulat ni Nimfa Asuncion