Inihayag ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na wala silang nakikitang posibilidad na pagtaas ng red o yellow alert status sa mga power grid sa darating na mga buwan sa kabila ng mainit ng panahon.
Ayon kay NGCP Spokesperson Cynthia Alabanza, mananatiling sapat ang suplay ng kuryente basta’t masusunod ang nakatakdang maintenance ng mga planta at walang biglaang pagtigil ng operasyon.
Dagdag pa niya, nagkakaroon lamang ng problema kapag sabay-sabay na nasisira ang mga planta na wala sa schedule.
Dahil dito, inaasahang magiging maayos ang suplay ng kuryente ngayong Semana Santa hanggang sa araw ng halalan.
Matatandaang itinatataas ang red alert status kapag ang power supply ay kulang para sa demand ng mga consumer habang ang yellow alert ay itinataas kapag ang operating margin ay hindi sapat para sa contingency requirement ng grid. | ulat ni Diane Lear