Photo courtesy of MMFF
Mas kapana-panabik ang paghahanda sa 52nd Metro Manila Film Festival (MMFF) matapos ianunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang unang batch ng mga pelikulang kalahok ngayong taon.
Sa ginanap na kickoff event sa Greenhills Mall sa San Juan City noong July 7, 2026, ipinakilala ang unang apat na opisyal na kalahok sa MMFF 2026 na kinabibilangan ng “2nd Miracle in Cell No. 7”, “Amir”, “Haunted Carnival”, at “The Greatest Showdown”.
Handog ng Viva Communications Inc. ang “2nd Miracle in Cell No. 7” sa direksyon ni Nuel Crisostomo Naval na isinulat ni Mel Mendoza-Del Rosario. Bibida rito sina Aga Muhlach at Xia Vigor.
Ang “Amir” ng GMA Pictures na binuo sa direksyon ni Zig Dulay ay pagbibidahan nina Dennis Trillo, Will Ashley, Glaiza de Castro, at Argus Aspiras.

Mula naman sa Regal Entertainment Inc., tampok sa “Haunted Carnival” sina John Arcilla, Julia Barretto, James Reid, Fyang Smith, RK Bagatsing, Ronnie Alonte, Charlie Fleming, at Maricel Soriano. Ang pelikula ay mula sa direksyon ni Joey De Guzman, na isinulat nina Alan Tijamo at John Paul E. Abellera.
Samantala, sa unang pagkakataon, magsasama sa big screen sina Vic Sotto at Vice Ganda sa “The Greatest Showdown,” sa direksyon ni Jun Robles Lana. Ang pelikula ay pinagsamang proyekto ng Star Cinema, APT Entertainment Inc., The IdeaFirst Company, at MZET Productions.
Ayon sa mga organizer, apat pang pelikula ang iaanunsyo sa mga susunod na buwan upang makumpleto ang walong opisyal na kalahok sa taunang film festival.
Bukod sa mga pelikulang inihayag, isa rin sa pinakamalaking anunsyo ang pagtatakda ng maximum ticket price na PHP299 para sa MMFF 2026.

Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, nagkasundo ang MMDA at Cinema Exhibitors Association of the Philippines (CEAP) sa naturang presyo. Nilinaw rin niyang maaari pang bumaba ang halaga ng movie tickets lalo na sa mga probinsya, depende sa magiging pasya ng mga sinehan, CEAP, at mga producer.
Ang 52nd Metro Manila Film Festival ay magsisimula sa December 25, 2026 at tatagal ng dalawang linggo.