Tinututukan ng Philippine Retirement Authority (PRA) ang paghihikayat sa European retirees na manirahan sa Pilipinas.
Sa panayam ng Pasyal Pinas kay PRA General Manager Bob Zozobrado, binanggit niya na kabuuang 10 porsyento lamang ang bilang ng foreign retirees sa bansa na mula sa Europa.
“We found out na ang pensions na natatanggap ng mga Europeans is usually higher than what the Americans would receive. So, that would help us a lot,” ani Zozobrado.
Isa sa mga hakbang na ginagawa ng PRA para mahikayat ang mga European retirees na manirahan sa bansa ay ang pagdalo sa mga European expo, forum at iba pang katulad na aktibidad na nakatuon lamang sa senior citizens.
Nananatiling una sa listahan ng foreign retirees sa bansa ang Chinese nationals, sinundan ng South Koreans at Indians.
Matatandaang itinanghal ang Pilipinas kamakailan bilang number one retirement destination sa buong mundo.