Walang masyadong nakikitang epekto ang Philippine National Police (PNP) sa unang dalawang araw ng tigil-pasada ng grupong MANIBELA.
Ayon kay PNP Acting Spokesman PCol. Allen Rae Co, lubhang napakalayo ng bilang ng mga sumama sa rally kumpara sa 100,000 na pagtatayang inihayag ng MANIBELA.
Hanggang kahapon, aabot lamang sa 147 na mga miyembro ng grupo ang namonitor na sumama sa mga ikinasang programa sa Metro Manila.
Kabilang na riyan ang tatlong magkakahiwalay na programa sa Pasig, isa sa Las Piñas, isa sa Muntinlupa, at isa sa Parañaque.
Nasa 6,000 na pulis naman ang ipinakalat para alalayan ang mga komyuter, gayundin upang tiyakin ang peace and order sakaling kailanganin.
Ngayong araw, ibinabala ng MANIBELA ang “extension” ng kanilang protesta para ipanawagan ang bawas-presyo sa petrolyo o taas-pasahe na matagal na nilang hinihingi buhat nang sumiklab ang gulo sa Gulf region.
